Oo, sira-ulo ako. Umakyat na yata lahat ng alkohol sa utak ko, at tinunaw lahat ng natitirang katinuan na napakatagal ko ring pinilit hanapin at ipaglaban.
Dati, kapag gusto kong matuto, libro ang hawak ko. Ngayon, bote na ng alak ang araw-araw na kasama ko. Kung 'yung iba natututo sa apat na sulok ng silid-aralan, ako naman natututo sa apat na sulok ng bote ng alak.
Malas nga lang siguro talaga ako, dahil kung 'yung mamang nakahubad hindi giniginaw o nalulungkot, ako, oo. Inuman ang mga klaseng araw-araw kong pinapasukan, mga ka-toma ang mga librong buong puso kong pinag-aralan, at kalasingan ang pagsusulit na palagi kong pinaghahandaan.