Pages

Monday, April 25, 2011

"Ang Mayuming Dalaga"

Mayroong isang mayuming dalaga sa gitna ng karagatang simbughaw ng walang hanggan. Hinahangaan siya ng lahat. Walang sinumang makapaglarawan sa kanyang kagandahan.

Makulay ang mga kasuotan ng mayuming dalaga saan man siya magpunta. Kadalasan ito'y kahel, ngunit napalilibutan rin ng regalia ng maitim na asul. Mahusay sumayaw at umawit ang mayuming dalaga. Madalas na kasama niya ang mga ibon sa papawirin, o ang mga ulap na sa kanya'y maligayang pumapalibot at nais na yumapos. Gayunpaman, walang makasabay sa angking ganda at hiwaga ng mayuming dalaga.

Nahalina ng mayuming dalaga ang dalawang hari ng mga islang nakapalibot sa magkabilang dulo ng karagatang kanyang tinitirhan. Ito ay sina Haring Kasiguraduhan, hari ng isla ng Kahapon, at si Haring Bahala, hari ng isla ng Bukas. Matagal nang mayroong sigalot sa pagitan ng mga hari ng dalawang isla, bago pa man isilang sa karagatan ang mayuming dalaga. Maraming kawal na ang naglaban, at maraming kanyon na ang sumabog. Sa mga 'di mabilang na digmaan nina Haring Kasiguraduhan at Haring Bahala ay parating lumuluha ang lupa sa kanilang sari-sariling isla – lumuluha ang kanilang mga isla ng dugo, at ang pulang daluyong na ito ay umaagos sa karagatan na tinitirhan ng mayuming dalaga.

Maraming pagkakataon nang pinaglabanan ng dalawang hari ang pagmamay-ari sa mayuming dalaga. Maraming dugo na ang iniluha ng kanilang mga isla. Sa lahat ng mga pagkakataong ito ay nanatiling tahimik ang mayuming dalaga. May mga pagkakataong siya ay lumuluha, ngunit kailanman ay hindi nawala ang angkin nitong ganda.
Hanggang sa dumating ang isang digmaan kaiba sa lahat ng mga labang namagitan kina Haring Kasiguraduhan at Haring Bahala.

Walang kasimpula ang karagatan noong araw na iyon. Walang tigil ang pag-agos ng pula at nagbabagang luha mula sa mga isla ng dalawang hari. Milyung-milyong kawal ang nalunod sa malapot na tubig; libu-libong kanyon ang nagpa-tilapon sa mga mumunting patak ng kamatayan.
Kakatwa pa'y umahon mula sa kaibuturan ng karagatan ang mayuming dalaga. Sa kanyang pagtindig ay natakpan ng malisyosong usok mula sa mga kanyon at bala ng baril ng mga kawal ang regalia ng kanyang kahel at asul na kasuotan. Dinagit ng pulang alon ang kanyang kagandahan.

Kung noon ay hindi maipinta ang ganda ng mayuming dalaga, sa pagkakataong ito ay walang sinumang makapaglarawan sa nagniningas na galit sa kanyang mukha. Umiyak ng pula ang kalangitan na siyang nagpatigil sa pagluha ng mga isla. Nagsabog ng kidlat ang himpapawid na siyang nagpatahimik sa mga kawal at kanyon.

Ang huling ginawa ng mayuming dalaga ang gumitla sa lahat ng naroroon. Pinunit niya ang kanyang kasuotan, at naghuhumiyaw nitong isinampal sa dalawang hari ang mga tubig sa karagatan.

“Magsitigil kayo!” palahaw ng mayuming dalaga. “Kung noon ay kaya kong ipagsawalang bahala ang inyong mga alitan, sa pagkakataong ito ay hindi ko na kayo mapapalampas – dahil kinitil ng digmaang ito ang aking pinakamamahal!”

Ang pagpapalahaw na ito ay sinundan ng mayuming dalaga ng makabagbag-damdaming awit at sayaw. Inawit at isinayaw niya ang kwento ng ligaya at lumbay sa kaibuturan ng karagatan:

Ang mayuming dalaga ay nobya ni Haring Walang Hanggan, ang hari ng karagatang ng Ngayon, ang karagatang tinitirhan ng mayuming dalaga. Sa kaibuturan ng dagat na ito
namamalagi ang magkasintahan – maligaya at may wagas na pag-iibigan. Umaahon sa kaibuturan ang mayuming dalaga minsan sa isang araw upang isaboy ang kanyang kagandahan – ang kagandahang larawan ng kanilang pagmamahalan. Ngunit sa tuwinang mayroong digmaan sa pagitan nina Haring Kasiguraduhan at Haring Bahala ay 'di maipinta ang lumbay ni Haring Walang Hanggan. Dahil ang dalawa pang hari ay ang kanyang mga nakatatandang kapatid.

Ang digmaan ng araw na iyon ay punung-puno ng pighati at ito ay hindi na kinaya pa ni Haring Walang Hanggan; maski ang angking kagandahan ng mayuming dalaga ay hindi na kayang payapain ang daluyong sa kanyang kalooban.

Nagpatihulog sa pinakamalalim na bahagi ng karagatan ang kawawang hari, at ito ang naging sanhi ng galit ng mayuming dalaga.

Nagtapos ang awit at sayaw ng mayuming dalaga. At ang kanyang galit ay natuloy sa isang pagkabaliw.

Mula noon, nag-iba ang anyo ng mayuming dalaga. Ang dating regalia ng kahel at maitim na asul ay nadagdagan ng nagbabagang pula mula sa karagatan. Ang malisyosong usok na tumakip sa kanya ay nanatiling nakapulupot sa kanyang katawan.

Sinasabing ang anyo ng dalaga ay larawan ng nagpupuyos na damdamin – inilalarawan nito ang digmaan ng Kahapon at Bukas at kung paanong ang galit at pagkabaliw ng mayuming dalaga dahil sa nawalang pag-ibig ang nagtagumpay sa pagitan ng digmaang ito. Sinasabi ring ang anyo ng dalaga ay larawan ng pagsuko – inilalarawan nito ang kamatayan ni Walang Hanggan dahil sa alitan nina Kasiguraduhan at Bahala, at ang pagkalunod sa malalim na kawalan ng karagatan ng Ngayon.



Ang mayuming dalaga ay naging larawan ng nagpupuyos na damdamin at pagsuko. Ang kanyang pangalan ay Takipsilim.

Takipsilim

“Madilim at malungkot nanaman,” ika ko.

“Paglubog ba ng araw?” tanong mo.

“Hindi.”

Higit pa sa pagtatago ng haring araw ang kawalan na aking nararamdaman – ang pamamaalam ng liwanag at ang 'di mapigil na daluyong ng itim na kariktan. Takipsilim.

Higit pa sa paghuni ng mga ibon ang impit na pagluhang nais ko‟y hindi mo masilayan – ang paghabol sa ngiti ng maghapon at ang giyera ng mga ulap na naghahampasan ng kabigatan. Takipsilim.

Ang dilim at kalungkutan ay hindi lamang dahil sa kawalan. Ito ay ang pagdating ng takipsilim.

Too much beer

Umiinom ako hindi para malasing. Ito ang pinakamalaking kasinungalingang gusto kong paniwalaan ng lahat. Mukha namang tagumpay ako. Hanggang sa dumating ka.

Sabi nila, kalasingan ang nagtutulak sa duwag na hinuha upang humukay ng katapangan, bumuwag ng pag-aalinlangan, at sumilag sa kawalang-kasiguraduhan. Gusto kong maniwalang hindi duwag ang aking hinuha. Ngunit unti-unti na yata akong nalalasing sa’yo.

Oo, matapang ako. Oo, kaya kong harapin ang kalaban, buhatin ang kabigatan, suwagin ang daloy ng katotohanan. Ngunit sa paghamon at pagpupumiglas sa realidad na nakasanayan, hindi lamang tapang ang kinakailangan.

Nais kong tumindig sa alon ng pagkakataon ngunit lasing na ako. Wala na yata akong nakikita, nadidinig, nararamdaman. Isang malakas na pagtawa – isang walang saysay na pagluha. Ang pagsasabuhay ng mga kabalbalang pinigilan ng matalinong hinuha.


Umiinom ako hindi para malasing. Ito ang pinakamalaking katotohanang hindi ko magawang paniwalaan. Walang puwang ang tagumpay sa mukha ng aking mundo. Dahil dumating ka.

Wednesday, April 13, 2011

At tayo nga ay naglasing.

Gusto kong isipin na sa mga oras na ito, lasing ka sa'kin. Tulad ng alak na mahirap lunukin, mahirap akong tanggapin. Pero masarap lang talagang maglasing.

Gusto kong isipin na sa mga oras na ito, lasing ako sa'yo. Tulad ng alak na mainit sa katawan, isa kang pagyakap sa kalamigan. At masarap lang talagang maglasing.

*

Araw-araw akong umiinom dahil gusto kong labanan ang hinuha na nilulunod ng realidad at katotohanan. Oo, isa nga rin sigurong paglulunod ang pag-inom, dahil ang kalasingan ay panibagong kumunoy ng alternatibong paniniwala at pakiramdam.

**

Maraming mga tao ang nagiisip na ang paglalasing ay pagsuko. Na ito ay paraan ng pagtakas, pagtakbo, pagkalimot. Ngunit para sa akin, ang paglalasing ay ang 'di matatawarang sining ng paglaban.

Paglaban sa nagsusumigaw na takot sa kalooban na unti-unting binibingi ang tibay at katatagan. Paglaban sa humihiwang sakit ng nakaraan, kasalukuyan, at bukas na unti-unting tumataga sa pagtindig at tikas. Paglaban sa libu-libong katotohanan na unti-unting pumapatay sa pag-asa.

***

Sa mga oras na ito, lasing tayo. Oo, may tayo. Lumalaban ako, ngunit maaring iniisip mo na ito ay pagsuko.