Nagtatago ang buwan.
Nakaupo siya sa grotto. Itinaas ang hawak na bote ng alak sa hangin, kumakampay sa malamig na simoy ng gabi. Nakakatawa.
Nakaupo siya sa likod ng bangko. Itinaas ang hawak na bote ng alak sa hangin, kumakampay sa makikinang na bituin. Napakalalim, ngunit napakababaw din.
Nakaupo siya sa harap ng simbahan. Itinaas ang hawak na bote ng alak sa hangin, kumakampay sa ‘di maubos na usok ng sigarilyong mamahalin. Nakakatawa dahil napakalalim, ngunit napakababaw din.
Nakatayo siya sa terminal ng bus. Itinaas ang hawak na bote ng alak sa hangin, kumakampay sa paroo’t pagparito, sa pagkamapusok ng damdamin, sa init at lamig. Ngunit wala ng laman ang bote.
Binasag niya ang bote ng alak. Pinulot niya ang pinakamalaking tipak. Malamig, makinang, mamahalin. Ngunit isa na lamang itong piraso ng kabuuang hindi na maibabalik pa.
Napaliguan ng dugo ang mga tipak ng basag na bote ng alak.
Sumikat ang araw.