Pages

Monday, April 25, 2011

Too much beer

Umiinom ako hindi para malasing. Ito ang pinakamalaking kasinungalingang gusto kong paniwalaan ng lahat. Mukha namang tagumpay ako. Hanggang sa dumating ka.

Sabi nila, kalasingan ang nagtutulak sa duwag na hinuha upang humukay ng katapangan, bumuwag ng pag-aalinlangan, at sumilag sa kawalang-kasiguraduhan. Gusto kong maniwalang hindi duwag ang aking hinuha. Ngunit unti-unti na yata akong nalalasing sa’yo.

Oo, matapang ako. Oo, kaya kong harapin ang kalaban, buhatin ang kabigatan, suwagin ang daloy ng katotohanan. Ngunit sa paghamon at pagpupumiglas sa realidad na nakasanayan, hindi lamang tapang ang kinakailangan.

Nais kong tumindig sa alon ng pagkakataon ngunit lasing na ako. Wala na yata akong nakikita, nadidinig, nararamdaman. Isang malakas na pagtawa – isang walang saysay na pagluha. Ang pagsasabuhay ng mga kabalbalang pinigilan ng matalinong hinuha.


Umiinom ako hindi para malasing. Ito ang pinakamalaking katotohanang hindi ko magawang paniwalaan. Walang puwang ang tagumpay sa mukha ng aking mundo. Dahil dumating ka.

No comments:

Post a Comment